Mga Miyembro

Alena Kay S. Reyes
John Denyl A. Torrijos
Jannah Alexinne B. Rosling
Patricia Jeanne Ramos
Mark Ren Andrei V. Tonelite
Richard Tyrese Uy
Luisito Villanueva, Jr.

Saturday, November 7, 2015

Ang Paglalakbay

 Gaano nga ba kayaman ang Museo sa angkin nitong mga antikeng kagamitan?

Sa aming pagtapak sa harapan Museo De La Salle, agarang bumungad sa aming paningin ang Puerto mayor, isang malaking pintuan kung saan binubuksan lamang upang gamiting lagusan palabas o papasok ng mga carroza, isang malaking karwahe kung saan ito’y pinapatungan ng mga naglalakihang mga santo. Mayroon din itong maliit na pintuan na tinatawag na postigo kung saan dumadaan ang mga taong bumibisita sa museo.
 Pagpasok sa loob ng museo ang aking napansin ay ang mga pader sa unang palapag ay gawa sa bato. Dito din makikita ang Zaguan; ang Zaguan ay galing sa salitang Arabic na nangangahulugang “passageway” o lagusan. Mayroon itong mga silid na nagsisilbing imbakan ng mga carroza, mga ani, at mga lumang kasangkapan sa bahay.

Ang unang pinasyalang kwarto namin sa Museo ay ang silid na tinatawag na Guevara Hall. Ito ay ipinangalan sa mag-asawang Domingo at Carmen Guevara na nag-ambag ng mga antigong kagamitan namatatagpuan sa silid na iyon.

 Sa aming pagtungo sa ikalawang palapag, nakita naming kung gaano kaganda ang disenyo ng museo. Ang sahig nito’y gawa sa kawayan habang ang kisame nito ay gawa sa pressed metal sheets na nagpapakita ng kakaibang mga disenyo. Sa palapag na ito matatagpuan ang caida. Ang caida ay nanggaling sa salitang Espanyol na “caer” na nangangahulugang “to let fall”. Ito din ay mayroong calado na nagsisilbing palatandaan ng nag-ibang parte ng bahay. Ito ang tradisyunal na silid-tanggapan. Tinawag itong caida dahil habang umaakyat ang kababaihan sa hagdan ay itinataas nila nang kaunti ang kanilang mga saya at pag-dating nila sa itaas ay ibinabagsak muli nila ito. Ginagamit ang caida minsan upang libangin ang mga bisita sa mga ordinaryong okasyon. Maaari din itong gamitin sa pagkain at pagsayaw.
 Ang mga bintana ng bahay ay gawa sa capiz. Kung saan ang mga capiz na ito ay gawa sa kabibe. Ang ventanilla naman ay matatagpuan din sa mga bintanang gawa sa capiz. Ang pakinabang nito ay upang makadagdag ng hangin na pumapasok mula sa labas papasok ng bahay.
            Ang bulada ay ang panlabas na pader ng bahay. Wala itong kinatutungtungan kundi lupa. Sunod. Ang susunod naman ay ang Sala mayor na itong isa sa pinakamalaking silid sa buong museo. Ang Sala mayor ay isang malaking silid na pinagdadausan ng malalaki at engrandeng mga pagdiriwang. Ang kulay nito ay hango sa Bandera Española; pula at ginto. Ang mga dekorasyon nito ay ayon sa ayuntamiento o city hall.
 Sa Sala mayor ay may makikitang dalawang upuan; ang Mariposa chair at ang China loveseat. Dito umuupo ang mga babae at lalaking nagliligawan ngunit may  nakabantay sa kanilang gilid upang masiguradong hindi hawakan ng lalaki ang babae dahil ang paniniwala noon ay kung hinawakan ng isang lalaki ang isang babae ay dapat mo siyang pakasalan. Ang mga kagamitan dito sa Sala mayor ay gawa sa magagaan na materyales. Ito’y para madali itong buhatin kapag may pagdiriwang na gaganapin.
 Sunod naman ay ang dispatcho na siyang kuwarto ng may-aring lalaki. Dito makikita ang mga pinagkakaabalahan o propesyon ng may-ari. Makikita rin dito ang Tomas Tiglas. Sa kuwarto naman ng senyorita ay may disenyong trompe l’oeil o “butterfly effect”. Makikita rin dito ang litrato ng isang patay na sanggol dahil noon daw ay inilalagay talaga ang litrato ng isang kaanak na namatay sa bahay.
 Mayroon ding oratoryo ang bahay kung saan dito nakalagay ang patron ng pamilya.
  Sunod naman ay ang comedor na malaki at engrande rin tulad ng sala mayor. Mayroong mga makukulay at nag-iilaw na chandelier at mga maliliit na aparador na pinaglalagyan ng mga chinaware. Ang mga pinggan na nakasabit sa mga dingding ng kwarto ay nagpapakita ng estado sa buhay ng mga nakatira sa loob ng bahay. Mayroon ding mga punkah o “cloth fans” sa kisame, hinihila ng mga taga-silbi ang isang tali upang gumalaw ito at magsilbing pamaypay para sa kanilang mga amo habang sila’y kumakain. Hiwalay ang kainan ng mga matatanda sa mga bata. Dito rin makikita ang silya paanakan na maaring gamitin sa siesta o sa panganganak.

Sunod naman ang cocina na kadalasan ay inihihiwalay o inilalayo sa mismong tahanan dahil sa maaari itong magdulot ng sunog. Ang lapag ng kusina ay gawa sa mga kawayan upang maging mahangin at kapag nalaglag ang pagkain ay diretso daw itong pupunta sa mga alagang manok sa ibaba. Dito nagluluto, namamalantsa, at nagdudurog ng bigas ang mga tao sa bahay. Matatagpuan dito ang isang pugon o hurno na ginagamitan ng kahoy upang makapagluto. Mayroon ding banggerahan na pinaglalagyan ng mga nahugasang mga plato at baso upang sila’y matuyo. Dito na rin namamalantsa ang mga taga-silbi at dito ay makikita rin ang mga sinaunang anyo ng mga plantsang ginamit noon. Isa na rito ang prensa de piye na nasa lapag. Ito ay gawa sa kahoy at ginagamitan ng paa upang makapamalantsa ng mga damit.
 Ngayon naman ay pumunta tayo sa labas. Una na rito ang azotea na pinaglalabhan at pinagtutuyuan ng mga damit. Ngunit ang azotea ay isa ring romantikong lugar kung saan maaaring ligawan ng lalaki ang babae at kung saan pwedeng mag-tsaa at magpahinga tuwing hapon.
 Sa gilid nito ay mayroong aljibe, ito ay parang isang balon na kumukuha ng tubig galing sa ulan. Ang hagdan naman pababa sa hardin ay hinango sa mga sinaunang mga tahanan. Pati ang mga halaman at puno ay hango sa mga sinaunang bahay na bato.
 Sa mga hagdang ito ay kadalasang inaabot ang pera kapag may isang kapitbahay na humiram nito. Maraming mga tanim ang nakapalibot sa may hagdan.
 Ang jardin naman ay nagsisilbi ring isang lugar na maaaring pagdausan ng mga selebrasyon. Makikita rin na sa jardin na may nakatanim na mga bote ng alak. Ginagawa ito ng mga mayayaman upang maipakita ang kanilang kaantasan sa lipunan. Ito ang kadalasang nireregalo nila sa mga importanteng taong bumibisita sa kanilang tahanan.
Tunay ngang mayaman ang Museo sa artipaktura mula pa noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan. Ang mga ito ay nagpapakita ng uri ng pamumuhay mayroon ang mga tao noon. Sana’y tumagal pa ang mga antikeng kagamitan na ito upang makita pa ng susunod na henerasyon kung gaano kayaman ang kultura at pamumuhay ng mga Pilipino noon.

 Isinulat ni
John Denyl A. Torrijos at Mark Ren Andrei V. Tonelite

No comments:

Post a Comment