Gaano nga ba kayaman ang Museo sa angkin nitong mga antikeng kagamitan?
Sa aming pagtapak sa harapan Museo De La Salle, agarang
bumungad sa aming paningin ang Puerto mayor, isang malaking pintuan kung saan
binubuksan lamang upang gamiting lagusan palabas o papasok ng mga carroza,
isang malaking karwahe kung saan ito’y pinapatungan ng mga naglalakihang mga santo.
Mayroon din itong maliit na pintuan na tinatawag na postigo kung saan dumadaan
ang mga taong bumibisita sa museo.
Pagpasok sa
loob ng museo ang aking napansin ay ang mga pader sa unang palapag ay gawa sa
bato. Dito din makikita ang Zaguan; ang Zaguan ay galing sa salitang Arabic na
nangangahulugang “passageway” o lagusan. Mayroon itong mga silid na
nagsisilbing imbakan ng mga carroza, mga ani, at mga lumang kasangkapan sa
bahay.
Ang unang pinasyalang kwarto namin sa Museo ay ang silid
na tinatawag na Guevara Hall. Ito ay ipinangalan sa mag-asawang Domingo at
Carmen Guevara na nag-ambag ng mga antigong kagamitan namatatagpuan sa silid na
iyon.
Sa aming
pagtungo sa ikalawang palapag, nakita naming kung gaano kaganda ang disenyo ng
museo. Ang sahig nito’y gawa sa kawayan habang ang kisame nito ay gawa sa
pressed metal sheets na nagpapakita ng kakaibang mga disenyo. Sa palapag na ito
matatagpuan ang caida. Ang caida ay nanggaling sa salitang Espanyol na “caer”
na nangangahulugang “to let fall”. Ito din ay mayroong calado na nagsisilbing
palatandaan ng nag-ibang parte ng bahay. Ito ang tradisyunal na
silid-tanggapan. Tinawag itong caida dahil habang umaakyat ang kababaihan sa
hagdan ay itinataas nila nang kaunti ang kanilang mga saya at pag-dating nila
sa itaas ay ibinabagsak muli nila ito. Ginagamit ang caida minsan upang
libangin ang mga bisita sa mga ordinaryong okasyon. Maaari din itong gamitin sa
pagkain at pagsayaw.
Ang mga bintana ng bahay ay gawa sa capiz. Kung saan
ang mga capiz na ito ay gawa sa kabibe. Ang ventanilla naman ay matatagpuan din
sa mga bintanang gawa sa capiz. Ang pakinabang nito ay upang makadagdag ng
hangin na pumapasok mula sa labas papasok ng bahay.
Ang bulada ay ang panlabas na pader
ng bahay. Wala itong kinatutungtungan kundi lupa. Sunod. Ang susunod naman ay
ang Sala mayor na itong isa sa pinakamalaking silid sa buong museo. Ang Sala
mayor ay isang malaking silid na pinagdadausan ng malalaki at engrandeng mga
pagdiriwang. Ang kulay nito ay hango sa Bandera EspaƱola; pula at ginto. Ang
mga dekorasyon nito ay ayon sa ayuntamiento o city hall.
Sa Sala mayor ay may makikitang dalawang upuan; ang
Mariposa chair at ang China loveseat. Dito umuupo ang mga babae at lalaking
nagliligawan ngunit may nakabantay sa
kanilang gilid upang masiguradong hindi hawakan ng lalaki ang babae dahil ang
paniniwala noon ay kung hinawakan ng isang lalaki ang isang babae ay dapat mo
siyang pakasalan. Ang mga kagamitan dito sa Sala mayor ay gawa sa magagaan na
materyales. Ito’y para madali itong buhatin kapag may pagdiriwang na gaganapin.
Sunod naman
ay ang dispatcho na siyang kuwarto ng may-aring lalaki. Dito makikita ang mga
pinagkakaabalahan o propesyon ng may-ari. Makikita rin dito ang Tomas Tiglas.
Sa kuwarto naman ng senyorita ay may disenyong trompe l’oeil o “butterfly
effect”. Makikita rin dito ang litrato ng isang patay na sanggol dahil noon daw
ay inilalagay talaga ang litrato ng isang kaanak na namatay sa bahay.
Mayroon ding
oratoryo ang bahay kung saan dito nakalagay ang patron ng pamilya.
Sunod naman
ay ang comedor na malaki at engrande rin tulad ng sala mayor. Mayroong mga
makukulay at nag-iilaw na chandelier at mga maliliit na aparador na
pinaglalagyan ng mga chinaware. Ang mga pinggan na nakasabit sa mga dingding ng
kwarto ay nagpapakita ng estado sa buhay ng mga nakatira sa loob ng bahay.
Mayroon ding mga punkah o “cloth fans” sa kisame, hinihila ng mga taga-silbi
ang isang tali upang gumalaw ito at magsilbing pamaypay para sa kanilang mga amo
habang sila’y kumakain. Hiwalay ang kainan ng mga matatanda sa mga bata. Dito
rin makikita ang silya paanakan na maaring gamitin sa siesta o sa panganganak.
Sunod naman ang cocina na kadalasan ay inihihiwalay
o inilalayo sa mismong tahanan dahil sa maaari itong magdulot ng sunog. Ang
lapag ng kusina ay gawa sa mga kawayan upang maging mahangin at kapag nalaglag
ang pagkain ay diretso daw itong pupunta sa mga alagang manok sa ibaba. Dito
nagluluto, namamalantsa, at nagdudurog ng bigas ang mga tao sa bahay.
Matatagpuan dito ang isang pugon o hurno na ginagamitan ng kahoy upang
makapagluto. Mayroon ding banggerahan na pinaglalagyan ng mga nahugasang mga
plato at baso upang sila’y matuyo. Dito na rin namamalantsa ang mga taga-silbi
at dito ay makikita rin ang mga sinaunang anyo ng mga plantsang ginamit noon.
Isa na rito ang prensa de piye na nasa lapag. Ito ay gawa sa kahoy at
ginagamitan ng paa upang makapamalantsa ng mga damit.
Ngayon naman ay pumunta tayo sa labas. Una na rito
ang azotea na pinaglalabhan at pinagtutuyuan ng mga damit. Ngunit ang azotea ay
isa ring romantikong lugar kung saan maaaring ligawan ng lalaki ang babae at
kung saan pwedeng mag-tsaa at magpahinga tuwing hapon.
Sa gilid
nito ay mayroong aljibe, ito ay parang isang balon na kumukuha ng tubig galing
sa ulan. Ang hagdan naman pababa sa hardin ay hinango sa mga sinaunang mga
tahanan. Pati ang mga halaman at puno ay hango sa mga sinaunang bahay na bato.
Sa mga
hagdang ito ay kadalasang inaabot ang pera kapag may isang kapitbahay na
humiram nito. Maraming mga tanim ang nakapalibot sa may hagdan.
Ang jardin naman ay nagsisilbi ring isang lugar na
maaaring pagdausan ng mga selebrasyon. Makikita rin na sa jardin na may
nakatanim na mga bote ng alak. Ginagawa ito ng mga mayayaman upang maipakita
ang kanilang kaantasan sa lipunan. Ito ang kadalasang nireregalo nila sa mga
importanteng taong bumibisita sa kanilang tahanan.
Tunay ngang mayaman ang Museo sa artipaktura mula
pa noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan. Ang mga ito ay nagpapakita
ng uri ng pamumuhay mayroon ang mga tao noon. Sana’y tumagal pa ang mga
antikeng kagamitan na ito upang makita pa ng susunod na henerasyon kung gaano kayaman
ang kultura at pamumuhay ng mga Pilipino noon.
Isinulat
ni
John
Denyl A. Torrijos at Mark Ren Andrei V. Tonelite