Mga Miyembro

Alena Kay S. Reyes
John Denyl A. Torrijos
Jannah Alexinne B. Rosling
Patricia Jeanne Ramos
Mark Ren Andrei V. Tonelite
Richard Tyrese Uy
Luisito Villanueva, Jr.

Sunday, November 8, 2015

Ang Aking mga Natutunan

  1. Base sa mga nakita ko sa Museo maraming bagay na ginagamit noong unang panahon ang aking napansin na nagagamit pa rin sa kasalukuyan dahil sa pangangalaga ng mga tao o organisasyon sa ating kultura.
  2. Dapat nating pangalagaan ang mga gamit o mga bagay para mas maraming estudyante pa ang  makakita dahil ito ang unang makikita at magpapaalala sa atin kung paano namumuhay ang mga tao noon sa ating bansa.
  3. Iwasag sirain o hawakan ang mga artifacts para ma-preserba ang itsura ng mga gamit para mas maraming tao pa ang makakita sa artifacts na nagpapaaalala ng dating kultura.
  4. Ang kahalagahan ng mga artifacts para sa mga estudyante na kagaya ko ay naipapakita natin sa pamamagitan ng pag suporta sa iba’t ibang paraan kagaya ng pag punta sa mga museo kagaya ng Museo de La Salle o kung makakapag bigay ng donasyon para lalong mapangalagaan at maparami ang mga artifacts sa loob ng ating mga museo.
  5. Ingatan natin na wag magkalat sa mga lugar na kagaya ng Museo de La Salle at sa iba pang museo sa ating bansa.
  6. Ang mga museo kagaya ng Museo de La Salle ay repleksyon ng kayamanan  ng ating kultura at kaugalian bilang Pilipino kaya igalang natin ang mga artifacts at kung maaaring makapagtaguyod ng mga organisasyon na maaaring mag pondo sa mga aktibidad ng mga museo.
  7. Ang mga koleksyon ng Museo de La Salle ay malaking kontribusyon sa ating kasaysayan kaya upang ipakita ang pagpapahalaga at respeto sa ating mga kababayang Pilipino marami tayong natutunan dahil sa mga bagay na kanilang unang nadiskubre at ginagamit para sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay.
  8. Ang mga museo kagaya ng Museo de La Salle ay nagpapakikilala  ng kaugalian ng ating mga ninuno at nagpapaalala sa ating lahat ng katalinuhan at kakayahan ng mga Pilipino na mamuhay .
  9. Dapat nating pasalamatan ang mga bumuo at patuloy na nangangalaga sa ating mga museo dahil sila ang naglakas-loob at nagpapaalala sa atin na dapat pangalagaan ang ating kultura .

Isinulat ni
Richard Tyrese Michio Uy

Saturday, November 7, 2015

Ang Paglalakbay

 Gaano nga ba kayaman ang Museo sa angkin nitong mga antikeng kagamitan?

Sa aming pagtapak sa harapan Museo De La Salle, agarang bumungad sa aming paningin ang Puerto mayor, isang malaking pintuan kung saan binubuksan lamang upang gamiting lagusan palabas o papasok ng mga carroza, isang malaking karwahe kung saan ito’y pinapatungan ng mga naglalakihang mga santo. Mayroon din itong maliit na pintuan na tinatawag na postigo kung saan dumadaan ang mga taong bumibisita sa museo.
 Pagpasok sa loob ng museo ang aking napansin ay ang mga pader sa unang palapag ay gawa sa bato. Dito din makikita ang Zaguan; ang Zaguan ay galing sa salitang Arabic na nangangahulugang “passageway” o lagusan. Mayroon itong mga silid na nagsisilbing imbakan ng mga carroza, mga ani, at mga lumang kasangkapan sa bahay.

Ang unang pinasyalang kwarto namin sa Museo ay ang silid na tinatawag na Guevara Hall. Ito ay ipinangalan sa mag-asawang Domingo at Carmen Guevara na nag-ambag ng mga antigong kagamitan namatatagpuan sa silid na iyon.

 Sa aming pagtungo sa ikalawang palapag, nakita naming kung gaano kaganda ang disenyo ng museo. Ang sahig nito’y gawa sa kawayan habang ang kisame nito ay gawa sa pressed metal sheets na nagpapakita ng kakaibang mga disenyo. Sa palapag na ito matatagpuan ang caida. Ang caida ay nanggaling sa salitang Espanyol na “caer” na nangangahulugang “to let fall”. Ito din ay mayroong calado na nagsisilbing palatandaan ng nag-ibang parte ng bahay. Ito ang tradisyunal na silid-tanggapan. Tinawag itong caida dahil habang umaakyat ang kababaihan sa hagdan ay itinataas nila nang kaunti ang kanilang mga saya at pag-dating nila sa itaas ay ibinabagsak muli nila ito. Ginagamit ang caida minsan upang libangin ang mga bisita sa mga ordinaryong okasyon. Maaari din itong gamitin sa pagkain at pagsayaw.
 Ang mga bintana ng bahay ay gawa sa capiz. Kung saan ang mga capiz na ito ay gawa sa kabibe. Ang ventanilla naman ay matatagpuan din sa mga bintanang gawa sa capiz. Ang pakinabang nito ay upang makadagdag ng hangin na pumapasok mula sa labas papasok ng bahay.
            Ang bulada ay ang panlabas na pader ng bahay. Wala itong kinatutungtungan kundi lupa. Sunod. Ang susunod naman ay ang Sala mayor na itong isa sa pinakamalaking silid sa buong museo. Ang Sala mayor ay isang malaking silid na pinagdadausan ng malalaki at engrandeng mga pagdiriwang. Ang kulay nito ay hango sa Bandera EspaƱola; pula at ginto. Ang mga dekorasyon nito ay ayon sa ayuntamiento o city hall.
 Sa Sala mayor ay may makikitang dalawang upuan; ang Mariposa chair at ang China loveseat. Dito umuupo ang mga babae at lalaking nagliligawan ngunit may  nakabantay sa kanilang gilid upang masiguradong hindi hawakan ng lalaki ang babae dahil ang paniniwala noon ay kung hinawakan ng isang lalaki ang isang babae ay dapat mo siyang pakasalan. Ang mga kagamitan dito sa Sala mayor ay gawa sa magagaan na materyales. Ito’y para madali itong buhatin kapag may pagdiriwang na gaganapin.
 Sunod naman ay ang dispatcho na siyang kuwarto ng may-aring lalaki. Dito makikita ang mga pinagkakaabalahan o propesyon ng may-ari. Makikita rin dito ang Tomas Tiglas. Sa kuwarto naman ng senyorita ay may disenyong trompe l’oeil o “butterfly effect”. Makikita rin dito ang litrato ng isang patay na sanggol dahil noon daw ay inilalagay talaga ang litrato ng isang kaanak na namatay sa bahay.
 Mayroon ding oratoryo ang bahay kung saan dito nakalagay ang patron ng pamilya.
  Sunod naman ay ang comedor na malaki at engrande rin tulad ng sala mayor. Mayroong mga makukulay at nag-iilaw na chandelier at mga maliliit na aparador na pinaglalagyan ng mga chinaware. Ang mga pinggan na nakasabit sa mga dingding ng kwarto ay nagpapakita ng estado sa buhay ng mga nakatira sa loob ng bahay. Mayroon ding mga punkah o “cloth fans” sa kisame, hinihila ng mga taga-silbi ang isang tali upang gumalaw ito at magsilbing pamaypay para sa kanilang mga amo habang sila’y kumakain. Hiwalay ang kainan ng mga matatanda sa mga bata. Dito rin makikita ang silya paanakan na maaring gamitin sa siesta o sa panganganak.

Sunod naman ang cocina na kadalasan ay inihihiwalay o inilalayo sa mismong tahanan dahil sa maaari itong magdulot ng sunog. Ang lapag ng kusina ay gawa sa mga kawayan upang maging mahangin at kapag nalaglag ang pagkain ay diretso daw itong pupunta sa mga alagang manok sa ibaba. Dito nagluluto, namamalantsa, at nagdudurog ng bigas ang mga tao sa bahay. Matatagpuan dito ang isang pugon o hurno na ginagamitan ng kahoy upang makapagluto. Mayroon ding banggerahan na pinaglalagyan ng mga nahugasang mga plato at baso upang sila’y matuyo. Dito na rin namamalantsa ang mga taga-silbi at dito ay makikita rin ang mga sinaunang anyo ng mga plantsang ginamit noon. Isa na rito ang prensa de piye na nasa lapag. Ito ay gawa sa kahoy at ginagamitan ng paa upang makapamalantsa ng mga damit.
 Ngayon naman ay pumunta tayo sa labas. Una na rito ang azotea na pinaglalabhan at pinagtutuyuan ng mga damit. Ngunit ang azotea ay isa ring romantikong lugar kung saan maaaring ligawan ng lalaki ang babae at kung saan pwedeng mag-tsaa at magpahinga tuwing hapon.
 Sa gilid nito ay mayroong aljibe, ito ay parang isang balon na kumukuha ng tubig galing sa ulan. Ang hagdan naman pababa sa hardin ay hinango sa mga sinaunang mga tahanan. Pati ang mga halaman at puno ay hango sa mga sinaunang bahay na bato.
 Sa mga hagdang ito ay kadalasang inaabot ang pera kapag may isang kapitbahay na humiram nito. Maraming mga tanim ang nakapalibot sa may hagdan.
 Ang jardin naman ay nagsisilbi ring isang lugar na maaaring pagdausan ng mga selebrasyon. Makikita rin na sa jardin na may nakatanim na mga bote ng alak. Ginagawa ito ng mga mayayaman upang maipakita ang kanilang kaantasan sa lipunan. Ito ang kadalasang nireregalo nila sa mga importanteng taong bumibisita sa kanilang tahanan.
Tunay ngang mayaman ang Museo sa artipaktura mula pa noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan. Ang mga ito ay nagpapakita ng uri ng pamumuhay mayroon ang mga tao noon. Sana’y tumagal pa ang mga antikeng kagamitan na ito upang makita pa ng susunod na henerasyon kung gaano kayaman ang kultura at pamumuhay ng mga Pilipino noon.

 Isinulat ni
John Denyl A. Torrijos at Mark Ren Andrei V. Tonelite

Kahalagahan ng Museo

Ang mga museo ay mga institusyon na naatasang mangolekta, mangalaga at mag-display ng mga artipakto (artifact) na galing pa noong sinaunang panahon. Sa Museo de La Salle ay maari nating makita ang iba’t-ibang kagamitan ng mga sinaunang Pilipino. Napakahalaga ng pagbisita sa mga museo dahil dito natin makikita kung gaano kayaman at kakulay ang ating kultura noon pa man. Nagbibigay kasi ito ng pagkakataon sa atin upang makita ng malapitan ang mga bagay na nakikita lamang natin sa mga libro, pahayagan, at telebisyon. Iba kasi ang nagiging epekto sa atin kapag nakita natin nang harapan ang isang bagay. Ayon sa isang research mas maalala at mas natututo ang isang tao tungkol sa isang bagay kung sarili niya itong naranasan o nakita.
Nakatutulong ito ng higit sa mga kabataan tulad natin dahil ating nalalaman ang paraan ng pamumuhay ng mga Pilipino. Nakatutulong din ito sa mga estudyante dahil marami tayong matututunang kaalaman na maaaring higit pa sa ating natututunan sa loob ng pat na sulok ng silid-aralan. Mas madali at mas maayos din nating matututunan ang mga aralin sa kasaysayan dahil nagbibigay ito ng malinaw ideya sa atin kung paano nga nabubuhay ang mga Pilipino dati.
Ang mga museong katulad ng Museo de La Salle ay nakatutulong din upang maipakita sa mga banyaga ang kultura ng ating bansa. 
Sana’y makabisita tayo sa mga museo hindi lang upang maaliw kundi upang matuto. Ang mga museo ay dapat din natin pangalagaan at tangkilikin dahil ito ang sumasalamin sa ating pagka-Pilipino. Maipaalala din sana natin sa mga susunod na henerasyon na bumisita sa mga museo upang kanilang malaman ang makulay na kultura ng Pilipinas na pinayabong ng panahon.  

Isinulat ni
Jannah Alexinne B. Rosling

Friday, November 6, 2015

#Karanasan

 Dear Blog, 

     Nang pumasok kami sa loob museo, nabighani ako sa ganda nito. Hindi ko akalaing napreserba pa nila nang matagal ang mga artifacts noong sinaunang panahon ng mga Pilipino. Dahil dito napagnilayan ko na kailangan din nating pangalagaan at pahalagahan ang mga bagay na mayroon tayo sa kasalukuyang panahon sapagkat ito ay may tungkulin sa ating kasaysayan. Katulad na lamang ng mga kagamitan ng aking mga lolo at lola na dati'y may pakinabang sa kanila sa kanilang pangaraw-araw na pamumuhay at ngayon ay ibinenta na ito sa isang museo. Dahil dito, nalaman ko na mahalagang pangalagaan ang ating mga tradisyunal na kagamitan sapagkat maaari pa itong pakinabangan ng mga susunod pa na henerasyon.

Nagmamahal,
Patricia Ramos

Friday, October 30, 2015

Introduksyon



   Ang Museo De La Salle ay itinayo sa pamamagitan ng tulong ng mga nagmamalasakit na komunidad na tumulong kay Brother Andrew Gonzales, ang unang brother-president ng DLSU-D, upang pagplanuhan ang buong museo noong Oktubre 1996. Ang museo ay halos 15 taon na ang tanda. Ito ay dedikado sa pagpapanatili ng kultura ng mga ilustrado sa Pilipinas noong ika-19 siglo. Ito ay nakaayon sa ilan sa mga pinakamagandang halimbawa ng bahay na bato sa Pilipinas, lalo na ang Constantino house sa Balagtas, Bulacan; ang Arnedo-Gonzales bahay sa Sulipan, Apalit, Pampanga; at ang Santos-Joven-Panlilio bahay sa Bacolor, Pampanga. Ang Museo De La Salle ay matatagpuan sa lungsod ng DasmariƱas, isang lungsod kung saan may impluwensiya ng mga Mexican, Espanyol, at Oryental ang kanilang arkitektura.

Ang museo ay mayroong koleksyon ng mga muwebles, litrato ng mga pamilya, artifacts, panrelihiyon na kagamitan, mga kasuotan, at marami pang iba. Ang mga kagamitang ito ay ipinagkaloob lamang sa museo habang ang iba naman ay binili sa mga nagmamay-ari. Mayroon ding mga paalala na huwag hawakan o galawin ilang mga kagamitan sa loob ng museo sapagkat ang mga gamit na ito ay babasagin o di kaya’y hindi na matibay dahil sa pagkaluma. Ang mga pinong kagamitan na ito ay nakalagay sa museo upang ipakita ang kasaganaan, mga personal na estilo, at panlipunang estado ng nagmamay-ari.

Isinulat ni

Alena Kay S. Reyes